Sa likod ng abalang pamantasan, tahimik ngunit matatag na ginagampanan ng University Security Office (USO) ng Wesleyan University-Philippines ang kanilang tungkulin bilang tagapangalaga ng seguridad, disiplina, at kaayusan sa loob ng kampus. Mula sa iyong unang pagpasok sa unibersidad hanggang sa bawat sulok ng paaralan, makikita mong umiikot at maayos na naka-posisyon ang mga USO personnel upang masigurong ligtas at maayos ang lahat. Ngunit higit pa rito, ano nga ba ang USO?
Sa USO, Laging Maaasahan ang Katapatan
Sa likod ng masusing pagbabantay at pagpapanatili ng kaayusan, itinataguyod ng USO ang kultura ng katapatan at malasakit sa komunidad. Hindi lamang seguridad ang kanilang binabantayan—pati ang tiwala at disiplina ng bawat Wesleyanian.
Kasabay ng pagpapatibay ng mga hakbang pangseguridad na nilabas ng Office of the Vice President for Administration and Planning sa pamamagitan ng Memorandum No. 012, s. 2025 noong Agosto 11, 2025, hinikayat ng USO, katuwang ang Public Information Office (PIO) ng WUP, ang mga estudyante na makipagtulungan sa pagpapatupad ng Lost and Found Program.
Noong Oktubre 8, 2025, naglabas ang PIO ng isang Lost and Found Notice na naglalayong palakasin ang kultura ng katapatan sa loob ng kampus.
“Your honesty helps keep our community safe and trustworthy. All lost and found items within the campus must be reported or turned over immediately to the University Security Office (Main Gate),” nakasaad sa post.
Mula nang ilabas ang paalala, ilang mga estudyante na ang nakinabang sa programang ito—kabilang na ang matagumpay na pagkakabalik ng mga wallet na naglalaman ng pera at mahahalagang dokumento sa kani-kanilang may-ari.
Ayon kay Cristina Castillo, Security Staff ng USO, malaki ang naging epekto ng inisyatibong ito.
“Maraming-maraming salamat po doon po sa mga nagre-return po sa atin. Simula po nang nagpost po tayo sa page, dumami po yung found items natin. Nagpapasalamat tayo kasi honest sila… marami pa rin honest [sa WUP],” ani Castillo.
Hindi rin nila nakakalimutang kilalanin ang mga katuwang sa labas ng unibersidad.
“Yung mga TODA po natin, katuwang natin sila dito. May malasakit sila sa mga estudyante natin—yung iba sa mga lost and found items, sila pa mismo ang nagbabalik,” dagdag ni Ms. Castillo.
Araw-araw, maayos na naitatala ang lahat ng mga gamit na naibabalik sa opisina upang matiyak ang transparency at accountability. Bukas din ang opisina ng USO para sa sinumang nais mag-claim o mag-identify ng kanilang naiwang gamit. “Kung wala naman po rito yung mga items nila, iniimbitahan natin silang i-review ang CCTV sa tulong ng ICT Office, at maaari ko rin po silang personal na asistihan,” dagdag ni Castillo.
Kapag Oras ng Sakuna, USO ang Unang Aksyon”
Ngunit hindi lamang sa mga naibabalik na gamit umaasa ang komunidad. Malaking bahagi rin ng tungkulin ng USO ang pagtugon sa mga biglaang insidente at emergency sa loob ng pamantasan.
Ayon kay Dr. Mercinario Santos, USO Chief at kasalukuyang Dean ng College of Criminal Justice Education (CCJE), sinanay ang mga security personnel bilang mga first responders upang matiyak na sa oras ng pangangailangan, may maaasahang tutugon.
“Hindi lang po tayo nakatuon sa security, trained as first responders din po ang mga guard natin. Nag-undergo po sila ng Basic Life Support training,” paliwanag niya.
Ang USO rin ay mahigpit na katuwang ng Crisis Management Committee, na nagsisilbing operation center ng pamantasan tuwing may emergency. May anim na first responders ang sinanay ng Department of Health, katuwang din nila ang Red Cross Youth na galing sa College of Nursing.
Ayon kay Ms. Castillo “Sanay [na] kami na talaga ang takbuhan nila. Parang nanay na nga ang turing nila sa akin—ang sarap po sa pakiramdam na may trust sila sayo. Natutuwa ako na dito sila lumalapit.”
Kamakailan, ilang pagkakataon na nilang napatunayan ang kahalagahan ng mabilis na aksyon—mula sa agarang pagresponde sa estudyanteng inatake ng seizure at dinala sa ospital, hanggang sa pag-asikaso sa estudyanteng natapilok at sa isa pang nagkaroon ng asthma attack sa loob ng campus. Sa isang hiwalay na insidente, natukoy din ng USO ang sasakyang sangkot sa banggaan ng motorsiklo, na agad na naresolba sa pamamagitan ng maayos na pakikipag-ugnayan ng mga guwardiya sa mga may-ari.
Mas Pinatibay na Seguridad
Bukod sa pagbabantay sa mga tarangkahan, ang USO rin ang nagmomonitor ng lahat ng entry at exit points at nagpapatupad ng mga patakaran sa trapiko. Katuwang din sila sa pagsiguro ng seguridad sa tuwing may mga programa at aktibidad sa kampus upang matiyak na maayos at ligtas ang daloy ng bawat kaganapan.
Sa pagpapatupad ng Memorandum ng OVPAA isinagawa ng USO ang mas mahigpit na security measures tulad ng bag checking gamit ang metal detectors at pagsusuri ng mga fake ID cards. Patuloy din ang security assistance tuwing may mga aktibidad at malalaking pagtitipon sa unibersidad, gaya ng Palarong Wesleyan at iba pang mga institusyonal na programa.
Mahigpit din nilang ipinapatupad ang parking policy, kung saan ang mga may sticker lamang ang pinapayagan pumarada, at ito ay batay sa sistemang first-come, first-served.
Ayon sa kanila, nakakataba ng puso na maramdaman ang respeto at pakikitungo ng bawat dumadaan sa tarangkahan—isang simpleng pagbati, ngunit malaking bagay sa kanilang araw-araw na serbisyo.
Tuwing Sabado at Linggo, mahigpit din ang implementasyon ng no entry policy—kapag walang pasok at walang abiso mula sa mga dean ng mga kolehiyo, hindi pinapapasok ang mga estudyante upang mapanatili ang kaayusan sa kampus.
Ito ang USO
Patuloy na pinangangasiwaan ng USO ang iba’t ibang inisyatiba para sa kaligtasan, disiplina, at kaayusan ng buong pamantasan, patuloy nilang pinapatunayan ang kanilang kahalagahan sa bawat Wesleyanian.
Ito ang USO — University Security Office — maaasahan, mapagkakatiwalaan, at laging handang kumilos.
Article by Ayumi San Cai Valerio (PIO)
Photos by Sean Rhandall Cornes (SA, PIO) and University Security Office
